Thursday, June 9, 2011

AUTONOMIYA, SINONG ATING MAKAKAISA?

Article by Pastor George Buenaventura


Halos lahat, kundi lahat ng mga nahalal na obispo ng UMC sa Pilipinas ay bukas na nagsusulong, bago sila nahalal, ng pagsasarili (autonomy) ng UMC sa Pilipinas mula sa inang UMC ng Amerika. Isa ito sa sentrong pangitain nila sa ating Iglesiya sa panahon ng kampanya. Sa mga talakayan, nakalimbag  at bukas na pahayag ay pagsasarili ang kanilang paninindigan, kasama ang pangakong gagawin ang lahat upang mapangunahan ang buong Iglesiya patungo sa kalayaan. At karamihan, kundi man lahat ng naghahangad mahalal sa pagkaobispo ay ganito rin ang ipinahayag na paninidigan. Nangangahulugan kung ganon na lahat halos ng tumutubo, naghahangad at naluluklok na pinuno ng ating Iglesiya sa Pilipinas ay panig, dahil may puso, sa autonomiya. Naniniwala rin akong nahalal sila dahil karamihan na ng delagado, na kinatawan ng buong Iglesiya sa Kumperensiya Sentral ng Pilipinas ay kumbinsido nang kailangan na tayong magsarili. At umaasa silang magaganap ito sa paghahahalal ng mga obispong panig dito, ayon sa kanilang pangangampanya. Subalit, Bakit hanggang ngayon ay malayo pa tayo sa katuparan ng ating pinapangarap na pagsasarili? May problema ba sa naghahalal ng obispo? Di kaya sa mga nahalal na obispo may problema? O hindi kaya tayo naililigaw at lalong nailalayo ng prosesong sinusunod natin? O hindi kaya may kapangyarihang dayuhan sa ating kumikilos upang biguin tayong makamtan ang lubos na kalayaan? O ang pinagsamasamang dahilan na nabanggit ang naglalayo sa katuparan ng ating mithiin.

Noong  kalagitnaan hanggang huling bahagi ng 1960 ay kasagsagan ng damdamin ng paglaya ng mga Iglesiya Metodista sa Asya. Hindi pa ito UMC, dahill nabuo lamang ang UMC noong nagsanib ang Evangelical United Brethren at The Methodist Church sa Amerika noong 1968. Mga Pilipinong Metodista ang nanguna sa pag-aaral at pagsusulong ng autonomy sa Asya. At isa sa mga kinikilalang haligi nito ay si Dr. Emerito P. Nacpil. Dahil dito, marami sa mga Metodista sa buong rehiyon o kontinente ng Asya ay nagsarili at ngayon nga ay autonomous na lahat sila, maliban sa Pilipinas! Nahalal na obispo si Dr. Nacpil, at nanahimik na rin pansamantala ang sigaw ng pagsasarili. (Ang sinundan at nakasama nga pala niyang obispo na si Paul Locke Granadosin ay American citizen.) Samantala, nagpatuloy sa paglago ang mga Nagsasariling Metodista sa karatig bansa natin; kagaya ng Korea, Taiwan, Indonesia, Malaysia, Singapore, Hong Kong, Myanmar, at iba pa. Ang ilang Iglesiya Metodista kagaya sa Hapon at Pakistan ay nakipag-isa na rin sa kasamang Protestanteng iglesiya sa kanilang bansa (Uniting Church). Nagbago ng paninindigan si Bishop Nacpil, at noong huli ay naging malakas na tumututol sa autonomiya. Siya, kasama ng dalawa pang retiradong obispo  Paul Locke  Granadosin at Jose Gamboa Jr. ang nagsulong ng ideya ng Globalisasyon sa UMC sa Pilipinas.


Muling nabuhay ang pag-asa ng pagsasarili nang mahalal na obispo si Dr. Daniel Arichea, na kilala ring matatag na sumusuporta para sa  pagsasarili ng UMC sa Pilipinas. Uminog sa kanya at napangunahan niya ang karamihan sa muling pagsusulong ng autonomy. Naitatag ang Autonomy 2000 Movement (A2M) sa pangunguna niya, sa pag-asang makakamtan na natin ang estado ng pagsasarili noong taong 2000. Kaya’t marami ang umasa at nagtiwala sa kanyang pangunguna. Hanggang magretiro, muling nabigo ang hangarin ng iglesiyang magsarili. At hanggang ngayon, tahimik na sa usaping pagsasarili; kundi bagkus patuloy na nakikinabang nga kapangyarihan at pribilehiyong dulot ngt istraktura dahil sa pagkakatalagang obispo ng MEA ng College at Council of Bishops.

Nakapaghalal muli ng mga obispong kilala o nagpakilalang naninindigan para sa pagssarili noong quadrinium 2000-2004, sa katauhan nina Obispo Leo Soriano, Benjamin Justo at Solito Toquero. Gumawa sila ng nagkakaisang pahayag ng pagtatalaga at suporta sa pagsasarili, kasalungat ng pahayag ng globalisasyon ng 3 retiradong obispo na nabanggit sa itaas. Ayon sa kanila, ang pagsasarili lamang ang tanging daan upang ang Iglesiya Metodista sa Pilipinas ay magkaroonng dignidad at integridad. Dumami ang Kumperensiya Anwal na nagpahayag na rin ng paninidigan sa autonomiya. Subalit, sa nakalipas na sunudsunod na sesyon ng Kumperensiya Sentral, iisa ang paninidigan ng mga dayuhang obispo; na suportado na rin o di man lamang tinutulan ng lahat ng Pilipinong obispo: Na hindi pa maaaring magsarili ngayon ang mga kumperensiya anwal ng UMC sa Pilipinas. Kailangan daw lahat ay gumawa ang petisyon sa pagsasarili. Habang masigasig sa kampanya ng pagsasarili sa mga kumperensiya ay higit namang pinag-alab ang kampanya ng ilan, sa pangunguna ng ibang obispo, upang ito’y pigilan. Wala kahit isa sa kanila ang nakitang bukas na sumama sa kampanya ng pagsasarili.

Muling nahalal ang 3 obispo noong 2004. Subalit, di nila napag-isa ang lahat ng kumperensiya tungo sa pagsasarili. Palaging may dahilan upang di matuloy ito; sa teknilkalidad o kapabayaan. Hanggang inabutan na rin ng pagreretiro nina obispo Justo at Toquero. Nahalal muli si obispo Soriano, kasama ng mga bagong obispo sina obispo Rudy Juan at Lito Tangonan, na sa aking naririnig mula sa kanila sa talakayan at nakalimbag na pahayag sa kampanya ay nagsusulong din ng autonomiya.

Sa likod ng matagumpay na paghahalal ng mga obispong panig sa pagsasarili, tumatagal, lumalawig ay lalo namang humihirap ang landas patungong kalayaan. Hindi kung ganoon ang pagkakahalal  sa kanila ang naging daan. Sila pa nga o marahil ang pag-abot nila sa ganoong katungkulan ang naging hadlang. Nais kong ituloy ang talakayan bakit kaya nagkaganito? Ano ang maaaring mga dahilan?

Sa aking pagsusuri, ang problema sa ugnayang ito ay parehong personal at istraktural. Una, kapag nahalal na obispo ang Pillipinong UMC pastor ay hindi na kaanib ng anumang Iglesiya Lokal, Distrito, Kumperensiya Anwal o Sentral ng Pilipinas. Naputol na ang kanyang membership sa iglesiya sa Pilipinas, at nalipat ito sa pagiging kaanib niya ng Council of Bishops sa Amerika (sapagkat ang UMC ay Iglesiyang Amerika). Ang halal na obispo na pangulo ng mga Kumperensiya Anwal sa kanyang nasasakupan, taglay ang lahat ng kapangyarihan kaugnay dito, kasama na ang kapangyarihang magdestino ng mga manggagawa at mag-interpret ng batas ng iglesiya (Disiplina) ay hindi kaanib ng kumperensiya! At kapag may tanong ang sino man o pagtutol sa kanyang interpretasyon ng batas ay sa Amerika (Judicial Court/Council) lamang maaaring maghabol, hindi sa kumperensiya o sa obispo. Ang Disiplina nga pala na sinusunod ng UMC maging sa Pilipinas ay gawa at iniakma sa Amerika. Kaya nga sila lamang ang maaaring magbigay ng ‘tamang’ paliwanag dito. Napakahirap o di ko maubos maisip kung bakit ang tagapanguna ng iglesiya at kumperensiya, taglay ang lahat ng kapangyarihan, ay di kaanib ng nito. Salungat ito sa pahayag ng Iglesiya na “Kasama natin ang Dios”. Mahirap isipin o tanggapin kung ganon, na sila ay ganap na kaisa o kasama ng iglesiya sa kanyang nilalayong magsarili.

Pangalawa, ang nahalal na obispong UMC sa Pilipinas ay sumusweldo ng malaki (kumpara sa mga manggagawa sa nasasakupan), at sa dolyar, kasabay ng biglang pagkakaroon ng maraming pribilehiyo; kasama na riyan ang madalas at libreng biyaheng Amerika at iba pang bahagi ng mundo. Mula sa pagiging pastor na ang suweldo ay piso, nagiging dolyar, at may napakalaking pagitan (gap) sa halaga. Ang dolyar na suweldo niya ay mula sa Amerika, hindi kagaya ng pastor o DS na sa Iglesiya Lokal, Distrito  at Kumperensiya Anwal nagmumula ang suporta. Hindi Pilipino ang nagpapasuweldo at gumagastos sa opisina ng obispong namamahala sa Pilipinas, kundi Amerikano, na tunay na may ari ng UMC. Mga obispo rin ang nagbibigay ng pangalan ng mga Pilipinong kaanib ng mga Lupon ng Kumperensiya Heneral. Sila, mga kaanib, rin ay napagkakalooban ng mga pribilehiyo, kagaya ng regular na libreng biyahe sa Amerika. Mayroon lamang iilang malapit sa obispo ang nakikinabang sa ganitong ugnayan. Subalit, ano ang kabutihan o masamang epekto nito sa kabuuan ng Iglesiya Metodista sa Pilipinas?

Sa mga nakaraang pagpupulong ng Coordinating Council (na bibubuo ng mga pangunahing delegadong layko at pastor sa lahat ng kumperensiya anwal sa Pilipinas at pinangungunahan din ng mga obispo) ay nakita ko o nasaksihan ko ang napakalaking puwang o gap ng mga tagapangunang obispo sa kanilang iglesiyang pinangungunahan. Napakaraming naipahayag na pagtutol, pagpuna at tahasang pagpapahayag ng kawalang tiwala sa mga tagapanguna. Isang halimbawa, isang boto lamang ang panalo sa panukalang ulat nila na binasa sa Coordinating Council at ipapasa nila sa Council of Bishops. Laman ng ulat ang pananaw nila sa kasalukuyang nagaganap na kaguluhan sa Iglesiya sa Pilipinas. Maraming puna ang mga delegado sa pananaw ng mga obispo. May malaking pagkakaiba at salungat sa pananaw o paniniwala ng iglesiya sa kanyang tagapanguna. Pangalawa, sa panahon ng nakalipas ng Coordinating Council ay may binasang pinagkaisahang pahayag ang mga obispo na na nagsasabing ‘wala silang tiwala sa Committee on Investigation’ ng Kumperensdiya Sentral. Siniraan ang mga kaanib nito at hindi raw nila matatanggap ang ulat ng COI, kundi bilang pagtutol ay iaapila raw nila ang ulat sa Amerika. Nang magbotohan, natalo ng may malaking agwat ang pahayag at pagtutol ng mga obispo! Gayunpaman, umapila pa rin sila sa Amerika, at di na naiayos ang problema, na patuloy na lumilikha ng malaking problema sa kabuuan ng iglesiya. Pangatlo, nagpasya rin ang mga kaanib ng Coordinating Council na payuhan at sabihan ang mga obispo (na may kapangyarihang maglagay ng kaanib ng korporasyon ng Wesleyan University- Philippines) na ibalik ang inalis nilang 6 na kaanib ng WU-P BOT. Inalis ang nmga ito ng walang maliwanag na dahilan at wala sa panahon. Sa awa ng Panginoon, hangang ngayon ay di pa nila ito tinutugunan. Sa halip ay ipinagpatuloy nila ang pagsuporta sa ipinalit nilang BOT at naglagay pa si Obispo Arichea ng panibagong grupo ng WUP BOT. Lumikha rin ito ng malaking kalituhan at nagdulot ng matinding kaguluhan. Di pa tapos ang gulong dulot nito. Di lamang mga igleisya lokal at matatapat na kaanib ang matinding apektado sa malaking gap na ito ng mga tagapanguna sa kanilang pinangungunahan, kundi pati na rin mga Institusyon na kanilang ring pinaghaharian. Ako’y nangangamba sa masaklap na kahihinatnan ng ganitong istraktura ng kapangyarihan. Pang-apat, pinangunahan ni Obispo Arichea ang ilang kumperensiya anwal na kakaunti ang dumalo. Noong 2010, wala pang 20% ng iglesiya at manggagawa ang dumalo sa kumperensiya niya sa MidPAC. Karamihan ng delegado at manggagawa ay nagdaos ng hiwalay na kumperensiya sa Carmen, Zaragosa, Nueva Ecija sa pangunguna ng 3 pastor (Badua, Almocera at Mones). Halimbawa, lahat ng iglesiya at manggagawa ng distrito ng Aurora ay nasa Carmen. Nagpunta ako sa parehong sesyon ng kumperensiya. Nakita ko mismo ang pangyayari. Ang masaklap dito, kinilala ng Judicial Council ng UMC sa Amerika ang napakaliit na kumperensiya at si Bishop Arichea ang patuloy na kinikilalang obispo, samantalang di siya kinilala ng karamihan ng iglesiya at manggagawa. Napakalaking gawak o gap ng istraktura ng pamamahala sa kanyang pinangungunahan (ang tunay na iglesiya).  Lalo namang kakaunti ang dumalo sa kumperensiya anwal na pinangunahan niya sa Palawan noong 2010. Kaya di kinilala ng mga simbahan ang mga DS na itinalaga niya roon. Ngayong taon na ito, nagpatuloy na sa sariling kumperensiya  ang MidPAC Carmen, at nagpalit na ng rehistradong pangalan ng NEAPAC (Nueva Ecija Aurora PAC). Itinuloy din ni Obispo Arichea ang sesyon ng WestMPAC (Bataan-Zambales) sa kabila ng pakiusap ng mga lider layko at manggagawa ng kumperensiya na ipagpaliban at humanap ng paraan upang mapanatili ang pagkakaisa ng kumperensiya; kahit na napakakonti ang dumalong layko at manggagawa! Nagdaos ang WestMPAC ng kumperensiya higit dalawang linggo pagkalipas na makapagkumperensiya roon si obispo Arichea. Dumalo roon ang karamihan ng mga iglesiya at manggagawa. Masaklap nito, kagaya ng nangyari sa MidPAC at Palawan, may mga pastor at DS na idinestino ni obispo Arichea ang di tinanggap ng mga iglesiya. Ipinagpapatuloy niya ang pangunguna sa likod ng pagtutol ng karamihang kaanib ng mga kumperensiya. Ginagawa niya lahat dahil buo ang tiwala sa kanya ng College at Council of Bishops at Judicial Council na pawang mga Amerikano. At kahulihulihan, sa naganap na pag-uusap para sa pagkakaisa at pagresolba ng mga problema, sa pangunguna ang ilang lider layko, sinabi ng isang layko na “Mahal naming mga obispo, nagkakagulo na ang iglesiya”. Nagulat ang lahat ng sabihin ng isang napakatagal na nag-obispo ng, “Never mind”. At natapos roon ang pag-uusap. Tanggapin natin o hindi, hindi kaanib ng iglesiya o anumang kumperensiya ang mga obispo. Hindi natin sa kanila maipagkakatiwala ang igleisya at di natin sila makakasama sa paglalakbay patungong paglaya o autonomiya.

Maraming paghahangad, pag-uusap at pagkilos upang maresolba ang mga problema rito sa atin. Subalit, dumarating tayo sa pagkaunawa na di ito magagawa hanggang di muna matugunan ang malaking gawak, gap o anomalya sa istraktura. Ganitong-ganito ang nakita na noon nina Rev. Nicolas Zamora kaya’t nagpasya ng magsarili noong 1909. Ganyan din ang naging problema sa San Nicolas Pangasinan, nang baligtarin ng General Conference sa Amerika ang desisyon ng kumperensiya anwal. Kaya’t nagkakaisang nagpasya ang mga kaanib ng kumperensiya sa lisanin ang kumperensiya at itatag ang The Philippine Methodist Church noong 1933. Ano ang sinasabi ng ating kasaysayang Hudyo-Kristiyano-Protestantismo-Metodsimo at pananampalayang Biblikal?

Kaunaunahang nagpakilala ang Dios ng Israel at ng Igleisya na si Yahweh (Panginoong Dios) sa panahong nasa ilalim ng pang-aalipin ng Egipto ang mga Hebreo sa Egipto. (Exodo 1-3) Ang kalagayang panlipunan noon ay di nailihim sa Dios. Nakita Niya ito, narinig Niya ang kanilang mga daing, maramdaman ang matinding pasakit sa mga alipin; kaya’t bumaba at nagpahayag Siya ng pagtutol at hinangad na palayain ang Kanyang bayan. Ang itinuring na ‘Bayan ng Dios’ na kanyang pinanigan ay ang mga nasa ilalim ng pamamahala at mapang-aping kapangyarihan ng Paraon. Sinamahan ng Dios ang mga tumakas na alipin, sa likod ng pagpigil o paghabol sa kanila ng mga kawal ng Paraon. Sinamahan Niya sila sa pagtawid sa dagat na pula, na parang lumalakad sa tuyong lupa; samantalang ang mga humahabol ay nangalunod. Siya ang tanglaw nila sa pusikit na kadiliman sa gabi, lilim nila sa matinding init ng araw, nagkaloob ng “tinapay mula sa langit’, pugo at matamis na tubig sa ilang. Siya ang kanilang naging tagapagpalaya, tagapagtanggol, at nagkaloob ng kanilang pangangailangan sa ilang ng 40 taon. Sinamahan at pinangunahan din sila sa pagpasok sa lupang maituturing na nilang kanila at namuhay ng malaya mula sa kaalipinan. Sinamahan ng Dios ang kanyang bayan sa pagtatatag ng pamayanang puno ng malasakit, katarungan at pananalig (Micah 6:8), at tinutulan ang paglabag sa mga ito. Sinamahan din Niya sila sa pagkakatapon sa kanila sa Babilonya at muling iniuwi sa sariling bayan. Di Siya pumayag na manatili silang alipin ng mga dayuhan. Siya rin ang Dios na sinasabing dapat sundin at paglingkuran ng mga alagad; nang sabihin nila sa harap ng mga pari at Sanhedrin at umuusig sa kanila, “Sa Dios lamang kami susunod at hindi sa tao”. Gawa 4:19, 5:29. Dito naitatag ang Iglesiya Kristiyana. Siya rin ang Dios ng sabihin ni Martin Luther sa harap ng mga pinuno ng simbahang Romano Katoliko, “Dito ako naninindigan. Di ko ito tatalikuran. Tulungan nawa ako ng Dios!”, at umawit ng “A Mighty Fortress is Our God, A Bulwark Never Failing”. At dito nga naitatag ang Iglesiya Protestante. Siya rin ang Dios na tinutukoy ni Samuel Wesley na “The Church’s One Foundation is Jesus Christ Her Lord”. Sa mga paninindigang ito, na salungat sa naitatag na sitema ng kapangyarihan ng tao, pamahalaan at relihiyon naitatag  ang kilusang Kristiyanismo, Protestantismo, at Metodismo. Nangyari ang lahat ng ito dahil sa pagpapatunay ng Dios ng pakikiisa, pagsama at pagsuporta sa kanilang paglaya.

Ganyan din ang pagpapakilala ng Dios sa mga naunang Pilipinong Kristiyano, kanila Gregorio Aglipay, nang itatag ang Pilipinong Iglesiya Independiente at ni Rev. Nicolas Zamora sa pagtatatag ng kaunaunahang Nagsasariling Iglesiya Metodista sa Pilipinas noong 1909. Naging matapat sila sa pagkilala sa layunin ng Dios na nagsabi sa Paraon, “Palayain mo ang aking bayan”. Kailanma’y di ipagkakaloob ng dayuhang mananakop ang kalayaan, subalit ipinakita ng Dios ang pagnanais Niya sa kalayaan ng Iglesiya at sinamahan sila sa pakikibaka tungo rito. Ang matibay na pahayag ng mga tapat ay “Kasama natin ang Dios”. Salungat ito sa kasalukuyang sistema ng UMC sa Pilipinas. May pangulo at tagapamahala siya na di kaanib ng kumperensiya at Amerika ang nagpapasuweldo sa kanya. May pinuno tayo na sobrang laki ng agwat ng suweldo at pribillehiyong tinatamasa kumpara sa kanyang mga manggagawang kasama sa paglilingkod. Sa panahon ng pakikibaka, at matinding pag-uusig, at maging sa paglalakbay tungong pagsasarili, kanino papanig ang obispo? Sa iglesiya ba sa Pilipinas? O sa Amerika na nagbibigay sa kanya ng kapangyarihan, kabuhayan at pribilehiyo sa buhay? Maaasahan ba nating ipagpapatuloy nila ang pinag-umpisahan nilang kampanya sa autonomiya? O mas madaling isipin at tanggapin ang sinasabi sa kasaysayan; na nanahimik, o umurong, o sumalungat sila lahat mula nang maluklok sa katungkulang ito. Sasamahan ba niya talaga ang Iglesiya sa Pilipinas hanggang sa huli? O magtataka ka pa ba na noong sinabi ng mga kanib na nagkakawatakwatak na po ang simbahan, ay sinabi ng isang obispo na “Never mind”  sa dialogue nila sa mga lider ng Wounded Healers. Sasama ba siya patungong pagsasarili? Wala pang gumawa nito, maliban kanila Nicolas Zamora, at sa mga nagpasyang magsarili pagkatapos na baliktarin ng kumperensiya sa Amerika ang desisyon ng kumperensiya sa Pangasinan noong 1933. Kaya naitatag ang IEMELIF noong 1909 at Philippine Methodist Church noong 1933 na sumanib sa ibang Iglesiya noong buuin ang UCCP noong 1948. Isa sa mga naitatag na nagsariling iglesiya rito ay ang Cosmopolitan Methodist Church (UCCP) na ang mga kaanib ay nagmula sa Central Methodist Church.

Naniniwala akong hindi lamang ito simpleng pagbabago ng isip ng mga obispo, kundi pagkakalagay o pagpasok sa isang kalagayang nagdidikta sa kanila kung paano sila dapat mag-isip at kumilos. Hindi lamang ekonomiya, kundi sistemang pulitikal, at hindi lamang pambansa, kundi global (Amerika) ang sakop ng ganitong malaking anomalya sa UMC sa Pilipinas. Dito tayo kinakailangang lumaya, bilang pagsasapamuhay ng ating pagtatapat sa Panginoong Hesu Kristo lamang bilang Panginoon ng Iglesiya at para sa pagkakaroon ng sinabi nina obispo Soriano, Justo at Toquero na dignidad at integridad ng simbahan. At ng matupad ang sinabi ni Bishop Nacpil sa kanyang pagtuturo ng autonomy na “Kalayaan ang kailangan ng lalaking lumpo, hindi limos! Di ba iyan din ang kailangan ng iglesiya? Panahon na upang palayain ang mga Iglesiya Metodista dito sa buong rehiyon ng Asya”. At lumaya na nga silang lahat, maliban sa Pilipinas. Dalangin ko na sana nga mangyari na ito ngayon sa atin. Buo ang aking paniniwala na sasamahan, ipagtatanggol at gagabayan tayo ng Panginoong Dios sa layuning ito. Hindi kusang lob na ipagkakaloob ang kalayaan. Hinabol ni Paraon ang mga tumatakas na alipin hanggang sa huli, subalit dumating na sa kanila ang panahong lumaya, sa pagnanasa at pangunguna ng Dios na si Yahweh. Nagpaalam sila, subalit di kailanman kusang pinalaya. Ang anak na magsasarili ay magpapaalam lamang sa magulang para sa basbas ng magulang. Hindi ipinagkaloob sa magulang ang karapatan o kapangyarihang pigilan ang anak na magsasarili. Kundi bagkus, dapat itong ipagdiwang ng m,agulang. May pahintulot o wala, pipigilan o hindi, ang kasarinlan ay nananatiling nasain, adyenda, inisyatiba at pakikibaka ng mga nagnanasang lumaya lamang, sa likod ng pagtutol at paggamit ng kapangyarihan ng mga panginoon dito sa lupa.

Sa susunod ay magsulat din tayo ng mga kuwento ng mga iglesiya at kumperensiya na nagpasimula na sa paglalakbay tungong kasarinlan.

Pastor George O. Buenaventura 

Pakipasa sa lahat

3 comments:

  1. How can we join this blog.
    We're Pangasinan Methodists.

    ReplyDelete
  2. Check us out...
    http://pangasinanmethodist.blogspot.com/

    ReplyDelete
  3. wow that's good. sure you can join this.

    ReplyDelete